Natatandaan ko pa ng una kitang nakita, ako ay napatawa. Di ko akalain na sa buhay ko ang isang "ikaw" ay pwede pala. Sinabi ko sa sarili ko, "panandalian lang yan, at mawawala ka rin." Pero sa buhay ko'y nanatili ka, hindi ko akalain. Sobrang dami na nating pinagdaanan. Kasama na kita kung saan saan. Sa bawat halakhak ko'y ika'y nakikigalak. At sa aking kalungkutan, ikaw rin ay lalung wasak. Lumipas ang panahon ang presenya mo ay nanatili na. Sa buhay ko, feeling ko, ikaw rin ay kaparte na.
Ngunit isang araw ako'y nagising sa isang rebelasyon. Na mali pala talaga ang ating relasyon. Hindi ka nakakatulong sa aking pagkatao, bagkus ikaw ay nagpapahina ng puso't katawan ko.
Maraming beses na kitang gustong tanggalin. Pero sa iyong presensya, katawan ko'y sobrang nasanay na rin.
Lahat ng paraan, ginawa ko na. Para lang matalikuran at iwasan ka. Hindi mo alam kung ilang luha at pawis ang inilabas ng katawan ko. Ma patunayan ko lang na kahit wala ka ay kaya ko.
Maraming beses mo na akong sinabihan na isang araw ako'y iyong iiwanan. At sabi mo pa nga ang "ikaw" ay panandalian lamang. Kung iisipin, sa buhay ko'y hindi kita tunay na kailangan. Pero bakit ganun, kahit anong subok kong ikaw ay alisin, sa buhay ko'y nanatili ka pa rin.
Pagkatapos ng maraming taong pagsasama, nakakasawa na rin pala. Ang sitwasyon natin ay paulit ulit na. Mawawala ka ngunit babalik balik pa din. Ilang beses ko nang hiniling, na ako'y iyong lisanin.
Ang hirap pala, ayokong masanay sa iyong presensya. At ngayon ako' y buong pusong nagdesisyon na. Gusto ko nang muling lumigaya. Sa buhay ko, pilit na tatanggalin ka.
Paalam na aking bilbil. Minsan mo na akong naaliw. Hiling ko ngayon ay wag mo na akong balikan. Tuluyan mo na akong lisanin at talikuran.
Pangako ko sa sarili ko, hindi na ako kakain ng todo-todo. Para wala ka na ring paraan bumalik sa buhay ko.
Paalam. 😂